Opisyal ng humiling ang Pilipinas sa United Nations na palawigin pa ang boundary o hangganan nito sa West Philippine Sea.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isinumite ng bansa sa pamamagitan ng Philippine Mission to the UN sa New York ang naturang impormasyon sa United Nations (UN) Commission on the Limits of the Continental Shelf (CLCS) para irehistro ang karapatan ng ating bansa sa extended continental shelf (ECS) sa West Palawan Region sa WPS.
Base aniya sa Article 76 ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), may karapatan ang isang coastal state gaya ng Pilipinas para maglatag ng outer limits ng continental shelf nito na kinabibilangan ng seabed at subsoil ng submarine areas na may lawak na lagpas sa 200 nautical miles subalit hindi lalagpas sa 350 NM mula sa baselines.
Pinangunahan ng National Mapping and Resource Information Agency (NAMRIA) ang technical working group na siyang nagbalangkas sa naturang submission sa loob ng mahigit isang dekada.
Binigyang diin naman ni DFA Ass. Sec. for Maritime and Ocean Affairs Marshall Louis Alferez na ang naturang submission ay hindi lamang deklarasyon ng karapatan ng PH sa ilalim ng UNCLOS kundi commitment din ng bansa para sa responsableng aplikasyon ng mga proseso nito gayundin para maprotektahan ang sovereign rights at maritime jurisdictions ng bansa sa WPS.
Iginiit din ni Ambassador Antonio Lagdameo, Permanent Rep. of the PH Mission to the UN sa New York na magpapalakas ang naturang submission sa pagsisikap ng mga estado na ipakita ang kanilang kahandaan para itaguyod ang mga proseso ng UNCLOS sa pagtukoy ng maritime entitlements at isulong ang rules based international order.
Ang submission na ito ng PH ay sa itna ng umiigting pa na agresibong aksiyon ng China sa disputed waters kabilang na ang mga insidente ng collision sa pagitan ng mga barko ng China at PH at naitalang pinsala sa panig ng PH.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagsumite ang Pilipinas ng extended continental shelf entitlement.
Pinakauna ay noong Abril 2009 kung saan nagpasa ng partial submission ang PH kaugnay sa Philippine Rise na pinagtibay naman ng United Nations (UN) Commission on the Limits of the Continental Shelf (CLCS) noong 2012 na nagresulta sa karagdagang 135,506 square km ng seabed area para sa Pilipinas.