Target ipadala sa Myanmar ang humanitarian aid team ng Pilipinas bukas, Abril 1 para tumulong kasunod ng tumamang magnitude 7.7 na lindol noong araw ng Biyernes, Marso 28, base sa inilabas na statement ng Office of the Civil Defense (OCD) nitong weekend.
Tinatayang magtatagal ng dalawang linggo ang ipapadalang team ng PH sa Myanmar.
Una na ngang nagsagawa ng isang critical inter-agency meeting para i-coordinate ang pagresponde ng Pilipinas at matiyak ang agarang pagpapadala ng suporta para sa mga apektadong komunidad sa Myanmar.
Ayon kay Defense Secretary at National Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman, Gilberto Teodoro, Jr., mino-mobilize na ang mga resources para makapagbigay ng tulong sa lalong madaling panahon. Nagpaabot rin ito ng pakikiramay sa Myanmar.
Tiniyak naman ni Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na committed ang OCD at iba pang ahensiya ng gobyerno sa pagtulong sa Myanmar base sa kanilang karanasan sa pagbibigay ng agarang tulong noong mga nagdaang lindol sa Turkiye at Syria.
Kaugnay nito, naka-standby na ang Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) mula sa Department of Health na binubuo ng 31 personnel, search and rescue teams mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pa.
Sa kabuuan, nasa 114 personnel ang nakaantabay kabilang pa ang 2 personnel mula sa Office of Civil Defense at si Contingent Commander LTC Erwin Diploma ng Philippine Air Force. Maliban dito mayroon ding 3 karagdagang miyembro ng ASEAN Emergency Response and Assessment Team (ASEAN-ERAT) na hiniling ng ASEAN Coordinating Centre for Humanitarian Assistance (AHA).
Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay matapos humiling na ang gobyerno ng Myanmar ng agarang tulong tulad ng emergency search and rescue teams, medical assistance teams, medicines, medical equipment, emergency first aid kits, mobile generators, water sanitation kits, solar-powered lights, at temporary shelters gaya ng tents at tarpaulin sheets.
Sa pinakahuling ulat, pumalo na sa 1,700 ang bilang ng nasawi sa lindol sa Myanmar habang sa Bangkok, Thailand umakyat na sa 18 ang bilang ng namatay kung saan 76 na construction workers ang nawawala pa rin matapos gumuho ang kanilang pinapatayong gusali.