-- Advertisements --

Ibinandera din ng Pilipinas ang watawat ng ating bansa sa Pag-asa Cays at sa mga nakapalibot na katubigan dito sa West Philippine Sea (WPS) nitong araw ng Linggo, Abril 27.

Sa ibinahaging post ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela sa kaniyang X account, iniulat ng opisyal na matagumpay na nakumpleto ang isinagawang Inter-Agency Maritime Operation (IAMO) sa Pag-asa Cay 1,Cay 2, Cay 3 at sa mga nakapalibot na katubigan sa lugar.

Kabilang sa naturang coordinated effort ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at ang Philippine National Police – Maritime Group na nagpatupad ng nakasanayan at lehitimong pagsasanay ng maritime domain awareness at jurisdiction sa WPS.

Idineploy ang nasa apat na composite teams sakay ng rubber boats kung saan ang Teams One at Two ay nagtungo sa Cay-1, ang Team Three naman ay sa Cay 2 at ang Team Four ay sa Cay-3.

Sa kasagsagan din ng operasyon, namataan ng PH teams ang iligal na presensiya ng China Coast Guard 5102, sa tinatayang 1,000 yarda ng silangan ng Cay-2 gayundin naispatan malapit sa Cay-2 at Cay-3 ang nasa pitong barko ng Chinese maritime militia.

Samantala, binigyang diin naman ng National Task Force for the WPS na sumasalamin ang naturang operasyon sa hindi natitinag na dedikasyon at commitment ng gobyerno ng Pilipinas para mapagtibay ang soberaniya ng ating bansa, sovereign rights at hurisdiksiyon sa WPS.

Gayundin, nanindigan ang task force na ipinapatupad ng routine inter-agency operation ang commitment ng PH para protektahan ang maritime domain nito at sumusunod sa international law at sinisiguro ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.