CAGAYAN DE ORO CITY – Maituturing na hindi ganap na kalayaan ang pinanghahawakan ng Pilipinas hangga’t nalalagay sa matinding panganib ang external security nito laban sa mga banyagang puwersa.
Ganito ang pagsasalarawan ng mga abogado na sakop ng National Union of People Lawyer (NUPL) kung patungkol sa kalayaan ang usapin na ipinagdiriwang ng bansa ang ika-126 na taon laban sa mga banyagang mananakop mismo nitong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo,sinabi ni NUPL President Atty.Ephraim Cortez na bagamat nagtagumpay ang unang nating mga ninuno pagsupil laban sa mga pang-aalipin ng puwersang banyaga higit siglo na ang nakalipas subalit umusbong naman ang panghihimasok at armadong pang-aangkin ng Tsina sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Cortez na hindi pa tapos ang pakikibaka ng lahing mga kayumanggi na labanan ang puwerang banyaga kaya dapat manindigan ang pamahalaan ang taong-bayan upang proteksyonan ang sariling bayan.
Paliwanag ng grupo na ang marahas na panghihimasok ng Tsina sa mismong barukan ay malaking balakid para ganap na banggitin ang pagiging isang malayang bansa.
Hindi pa nga kasali rito ang usapin ng sobrang hirap sa buhay ng mga maralita na bigong masagot ng pamahalaan dahil ibang mga bagay-bagay ang inaatupag kaysa interes sana para sa pangkalahatan.