-- Advertisements --

Nanawagan ang pamahalaan sa international community sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na muling pagtibayin ang pangako nitong ng pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan sa isang mapayapang pamamaraan.

Ito ay sa kabila ng patuloy na umiinit na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine kung saan napapaulat ang matinding labanan sa pagitan ng dalawa malapit sa kabisera ng Kyiv.

Sa isang statement na inilabas ng DFA ay hinikayat nito ang lahat ng partido na gawin ang lahat ng pagsisikap na manatili sa diplomatiko at mapayapang paraan upang mapanatili ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad at maiwasan ang humanitarian crisis.

Inalala din ng ahensya ang ginawang adoption ng UN General Assembly sa Manila Declaration noong Nobyembre 1982 sa Peaceful Settlement of International Disputes na nagbibigay ng legal na balangkas para sa recourse sa diplomasya, dialogue, at rule of law.

Ang Manila Declaration ay isang mahalagang instrumento sa mapayapang pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan ng mga bansa at muling bigyang-diin na ang lahat ng Estado ay dapat na umiwas sa pagbabanta o paggamit ng puwersa laban sa territorial integrity o political independence ng kahit na anong bansa.

Binibigyang-diin din nito na walang bansa o grupo ng mga bansa ang may karapatang makialam, direkta man o hindi, sa mga internal affairs ng alinmang ibang state.

Samantala, nagpapatuloy naman ang isinasagawang evacuation efforts para sa mga Pilipino sa eastern European states.

Sinabi rin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na lilipad ito patungong Europe kasama si Asec. Jet Ledda at George Pineda upang personal na makita ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Ukrainian border.

Nagpaabot naman si Locsin ng lubos na pasasalamat sa Poland at sinabing hinding-hindi nito makakalimutan ang naging pagtulong nito sa ating mga kababayang naipit sa naturang kaguluhan.