Isusulong ng Anti-Terrorism Council na ideklara ang militanteng Hamas bilang teroristang grupo kasunod ng pag-atake nito sa Israel.
Ayon kay National Security Adviser Secretary Eduardo Año, bilang pakikiisa sa mamamayan ng Israel, isusulong nila ang pagtatalaga sa Hamas bilang teroristang organisasyon sa ilalim ng RA 11479 bilang priority agenda ng Anti-Terrorism Council.
Sinabi din ng opisyal na mariing kinokondena ng kaniyang tanggapan ang teroristang pag-atake ng Hamas laban sa naturang estado at sa mamamayan nito at nagpaabot din ng pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi sa giyera.
Tinawag din ng Security Adviser ang pag-atake ng Hamas bilang deadly at barbaric terorist assault sa Israel.
Bunsod aniya ng pag-atake na tinatarget ang mga sibilyan, sinabi pa ng opisyal na mayroong karapatan ang Israel para depensahan at protektahan ang kanilang bansa mula sa Hamas.
Kayat kasama aniya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. , umaasa sila para sa agarang resolusyon sa giyera, nagdarasal para sa kaligtasan ng mga inosenteng sibilyan at nagpaabot ng pasasalamat sa gobyerno ng Israel para sa pagsisikap nito na protektahan kabilang na ang ating mga kababayang mga Pilipino doon.