-- Advertisements --

Pawang mariing kinondena ng mga Defense leaders ng Pilipinas, Japan, Australia, at Estados Unidos ang mga ilegal na aksyon at paggamit ng China sa mga Coast Guard at maritime Militias nito sa West Philippine Sea.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng isinagawang Defense Ministers’ Meeting nina Australian Deputy Prime Minister and Minister for Defense Richard Marles, Japanese Minister of Defense Kihara Minoru, Philippine Secretary of National Defense Gilberto Teodoro Jr., at United States Secretary of Defense Lloyd Austin III nitong Mayo 2 sa Hawaii.

Sa naturang pagpupulong ay pare-parehong nagpahayag ng seryosong pagkabahala ang naturang mga Minister at Secretary hinggil sa kasalukuyang sitwasyon sa Indo-Pacific Region kung saan mariing nitong tinutulan ang mapanganib na paggamit ng China sa kanilang mga coast guard at maritime militia vessels sa lugar partikular na sa West Philippine Sea.

Kung matatandaan, ang mga pahayag na ito ay kasunod ng kamakailan lang na panibagong pag-atake ng mga barko ng China laban sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa lamang ng high seas freedom of navigation sa bahagi ng Panatag shoal.

Dahil dito ay muling binigyang-diin ng naturang mga defense officials ang kahalagahan ng pagtataguyod sa freedom of navigation at pagrespeto sa international law alinsunod pa rin sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Kaugnay nito ay nanawagan din ang apat na bansa sa China na sumunod sa final at legally binding 2016 South China Sea Arbitral Tribunal Award, kasabay ng paghimok dito na resolbahin na ang naturang isyu sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsuporta sa isa’t-isa.

Samantala, kaalinsabay nito ay pawang binigyang-diin naman ng defense leader ng apat na bansa ang commitment nito na mas pagtibayin pa ang kanilang kooperasyon na suportahan ang regional security at stability, kasunod na rin ng ikinasang Maritime Cooperative Activity ng mga ito sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas noong Abril 7, 2024.

Bukod dito ay tinalakay din sa naganap na pagpupulong ang iba’t-ibang mga oportunidad para sa mas advance na defense cooperation, kabilang na ang pagpapatuloy ng maritime cooperation sa WPS, gayundin ang mas pagpapaigting pa sa procedures ng mga ito para sa mas malawak na coordination at information sharing arrangements, at maging sa mas matibay na capacity building.