Muling pinagtibay ng legislative body ng Pilipinas at Japan ang kanilang pangako na lalo pang palalakasin ang kanilang relasyon at kooperasyong pangparlyamentaryo sa pamamagitan ng Japan-Philippines Parliamentary Friendship League (JPPFL).
Bilang simbolo ng kanilang pangako, iniabot ng mga miyembro ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kopya ng House Resolution (HR) No. 1146 na nagsusulong na mapalakas ang mutual cooperation sa pagitan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng JPPL at nagtalaga ng mga opisyal at miyembro ng friendship league.
Si Speaker Romualdez kasama ang mga miyembro ng delegasyon ng Pilipinas ay nakipagkita sa mga opisyal at miyembro ng JPPFL, ang lahat ng miyembro ng Japanese House of Representatives.
Ang JPPFL Philippines ay binubuo naman nina Speaker Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at iba pang opisyal ng Kamara. Ang delegasyon ay sinamahan ni Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia Albano.
Noong Hulyo ng nakaraang taon, pinagtibay ng Kamara de Representantes ang Resolution No. 94 na pormal na nagtatayo ng JPPFL sa Pilipinas at tinukoy ang mahabang kasaysayan ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.
Ayon sa resolution noong Hulyo 23, 1956, ang San Francisco Peace Treaty at ang Japan-Philippines Reparations Agreement ay naging epektibo, na nagbigay-daan upang maging normal ang relasyon ng dalawang bansa.
Sa kanyang pagbibigay ng kopya sa mga opisyal at miyembro ng JPPFL nagpahayag ito ng kumpiyansa na lalo pang gaganda ang kooperasyon ng Japan at Pilipinas, lalo na sa sektor ng depensa at seguridad.