Kabilang ang Pilipinas sa 90 na bansa ang lumahok sa Ukraine peace summit na ginanap sa Buergenstock, Switzerland.
Nagsama-sama ang mga lider ng ibat ibang bansa upang magkaroon ng consensus hinggil sa peace proposal ng Ukraine.
Si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. ang kumatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos sa isinagawang peace summit.
Hindi dumalo sa nasabing event ang China.
Nakatuon ang usapin ng peace summit sa isyu hinggil sa giyera maging sa pagkain at nuclear security.
Humirit naman ang Turkey at Saudi Arabia na magsagawa pa ng isang pulong dahil ang makabuluhang pag-unlad ay nangangailangan ng pakikilahok ng Russia.
Para kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy naging matagumpay ang peace summit dahil sa mga dumalong world leaders na maituturing na isang kasaysayan.
Hindi rin nakadalo sa peace summit si US President Joe Biden subalit kaniyang ipinadala si US Vice President Kamala Harris.
Sa bisperas ng summit, sinabi ni Russian President Vladimir Putin na tatapusin ng Russia ang digmaan kung pumayag ang Kyiv na ihinto ang mga ambisyon nito sa NATO at ibigay ang apat na probinsya na inaangkin ng Moscow.
Ngunit mabilis silang tinanggihan ng Ukraine at ng mga kaalyado nito.