Puspusan na ang paglalatag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga hakbang nito kaugnay ng inaabangang operasyon ng Mislatel Consortium bilang provisional third major telecommunications player ng bansa.
Sa isang press briefing sinabi ni DICT Acting Sec. Eliseo Rio Jr. na nakatakda niyang pulungin sa Biyernes ang Mislatel, kasama ang PLDT at Globe para pumilin ng mga lokasyon kung saan itatayo ang common communication towers.
Nauna ng lumagda ng kasunduan sa kagawaran ang 19 na common tower provider hinggil sa pagtalima sa polisiyang itinakda ng DICT.
“We will tell the telcos na kayo ang pumili dito sa 19 na sino magput-up ng towers na nasa listahan niyo. Ang telcos actually may sites na sila na identified.”
Sa ilalim kasi nito, iisang communication tower na lang ang panggagalingan ng signal ng tatlong kompanya.
Makakamenos din daw ito sa gastos ng telco companies sa pagpapatayo ng maraming communication towers.
Ayon kay Rio, higit 50,000 towers ang kailangang maitayo sa bansa sa susunod na mga taon para maabot ng Pilipinas ang demand na kinakailangan ng telco industry.
Batay sa datos ng DICT, may 340 sites ang PLDT, habang nasa 520 naman ang sa Globe.