Kasama sa kauna-unahang pagkakataon ang Pilipinas sa destinasyon ng French Air Force mission na lumilibot sa Indo-Pacific region.
Ito ay sa gitna na rin ng layunin ng France na mapaigiting pa ang defense ties nito sa Pilipinas.
Binubuo ito ng isang contingent mula sa French Air and Space Force na nakikibahagi sa Pegase 24 na mag-stop over sa Clark Air Base, Pampanga para ipakita ang commitment ng European country sa paninindigan nito para sa malayang paglalayag at pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid sa rehiyon ayon kay French Ambassador Marie Fontanel.
Ang Pegase 24 ay taunang French mission sa Indo-Pacific region na naglalayong ipamalas ang air power projection.
Lilipad ang naturang French mission sakay ng 2 Rafale multi-role fighters, isang A400M tactical lift aircraft at A330 aerial refueling and military transport aircraft sa pagbisita nito sa Pilipinas.
Sa stopover ng contingent sa bansa, inaasahang magkakaroon ng bilateral activities para makatulong sa pagtatag ng mga pundasyon sa air-to-air cooperation sa pagitan ng France at PH.
Sa kasalukuyan, mayroong nagpapatuloy na negosasyon sa pagitan ng 2 bansa para sa isang defense pact para payagan ang pagpapadala ng military forces sa magkabilang panig para sa pagsasagawa ng joint exercises.