BAGUIO CITY – Kumpiyansa ang first-ever national kickboxing team ng Pilipinas na makakakuha sila ng gold medals sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na magaganap dito sa bansa.
Ito’y lalo pa’t tatlo sa mga ito ay mula sa sikat na Team Lakay, kasama si dating world wushu sanda champion Jean Claude Saclag.
Makikibahagi sa debut ng kickboxing sa nasabing biennial event si ONE Championship Atomweight contender at Team Lakay stalwart Gina Iniong at si ONE Warrior Series contender Jerry Olsim.
Umaasa din si Saclag na makakakuha ng medalya sa kickboxing matapos itong lumipat sa nasabing combative sport mula sa dating sport nito na wushu sanda.
Si Saclag ay gold medalist sa 2014 World Cup of Wushu at silver medalist sa 2014 Asian Games bago lumipat sa kickboxing ngayong taon at sumabak na sa qualifiers ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP).
Masusubok din ang galing ng iba pang Cordillera fighters na sina Jomar Balangui, Renz Dacquel at Karol Estepa Maguide sa nasabing event.
Kasama pa sa national kickboxing squad sina MMA starfighter Rex de Lara habang magsisilbing reserve si Team Lakay rising star Danny Kingad kasama sina Rosemarie Recto, Xavier Villanueva, Daryle Wadasen, Carlos Alvarez, Emmanuel Cantores, Janica Alawas at Robin Catalan.
Nagkaroon na din ng exposure sa kickboxing ang national team sa kanilang foreign training sa Taiwan at Cambodia.
Magde-debut ang kickboxing sa SEA Games sa pamamagitan ng efforts ng SKP at sa buong suporta ng World Association of Kickboxing Organizations – Asia kung saan nakataya ang walong gold medals.