-- Advertisements --

Positibo ang Philippine national lawn bowls team na magagamit nila nang husto ang homecourt advantage sa pagsabak nila sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay lawn bowler at SEA Games medalist Ronalyn Greenlees, buo ang loob nilang mahihigitan nila ang nakalap nilang mga medalya noong 2017 editon ng biennial meet sa Malaysia.

“I am very positive that we’ll produce better results than what we did in the last SEAG,” wika ni Greenlees.

Sa nasabing bersyon kasi ng SEA Games ay nakatipon ng isang gold, tatlong silver, at dalawang bronze medals ang mga lawn bowlers ng bansa.

Sinabi pa ni Greenlees, excited at nasa hustong kondisyon na raw ang tropa sa pagsabak nila sa kompetisyon, na idaraos mula Disyembre 1 hanggang 4 sa Clark, Pampanga.

“The team is excited and in top shape and more importantly, we have the so-called home court advantage,” ani Greenlees.

Ang objective ng larong lawn bowls ay mapagulong ang mga asymmetrical na bola malapit sa isang mas maliit na bola na kung tawagin ay jack sa bowling green.

Puwede rin itong laruin sa indoor o outdoor, at may kompetisyon sa singles, pairs, triples at four-man.