Nakiisa ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa paglagda ng panibagong oceans treaty sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na naglalayong protektahan ang marine biodiversity sa mga lugar sa labas ng hurisdiksiyon ng isang bansa.
Isang karangalan ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang paglagda nito sa makasaysayang kasunduan sa ilalim ng 1982 UNCLOS kaugnay sa Conservation and Sustainable Use of Marine Biological Diversity of Areas beyond National Jurisdiction agreement.
Nasa New York city sa US ngayon si Sec. Manalo upang kumatawan sa Pilipinas sa 78th UN Generl Assembly.
Halos 70 bansa ang lumagda sa naturang kasunduan na nakasentro sa vulnerability ng high seas o mga karagatan pagdating sa exploitation.
Sa kasalukuyan, malayang nakakapaglayag ang mga sasakyang pandagat ng mga bansa, malayang nangingisda at nagsasagawa ng scientific investigations na may kaakibat na ilang restrictions kumpara sa mga coastal seas.
Layunin din ng naturang kasunduan na matugunan ang banta mula sa polusyon, pagbabago ng klima at labis na paghuli ng mga isda.
Ang naturang kasunduan ay magiging epektibo 120 araw matapos ratipikahan, aprubahan o sang-ayunan ng 60 mga bansa.