-- Advertisements --

Inihayag ng National Security Council na maaaring tingnan ng Pilipinas ang mga legal option laban sa China para humingi ng posibleng kompensasyon matapos na masira ang mga sasakyang pandagat ng Maynila dahil sa agresibong aksyon ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea.

Kung matatandaan, may ilang mga insidente kung saan inatake ng mas malalaking barko ng China ang mas maliliit na sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Kamakailan ay nagbuga ng water cannon ang CCG laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa pagtatangkang hadlangan ang kanilang paghahatid ng mga suplay sa mga tropang Pilipino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ang M/L Kalayaan, ang kinailangang i-tow o hatakin pabalik sa daungan matapos itong makaranas ng malubhang pinsala sa makina nito.

Sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na ang pinsalang natamo ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay isang paglabag sa collision regulation.

Nang tanungin kung paano humingi ng danyos ang Pilipinas, sinabi ni Malaya na ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) ay maaaring mag-aral at mangalap ng ebidensya para suportahan ang isang posibleng kaso.