-- Advertisements --
image 267

Maaaring kuwestiyunin ng Pilipinas ang hurisdiksiyon ng International Criminal Court sakaling mag-isyu ito ng arrest warrant sa mga indibidwal na umano’y responsable sa madugong war on drugs ng Duterte administration.

Ito ang ilan sa available legal remedies na maaaring gawin ng gobyerno ng Pilipinas ayon sa isang foreign lawyer na ti-nap ng pamahalaan.

Ayon kay British lawyer Sarah Bafadhel, sa ilalim ng Article 19 ng Rome Statute ng ICC, mayroong karapatang mamagitan ang gobyerno at humiling ng desisyon kaugnay sa hurisdiksiyon ng korte at igiit na wala itong hurisdiksiyon sa pagkakataong magpalabas ng arrest warrant ang prosekusyon, pangalanan ang partikular na suspek at magkaroon ng konkretong kaso.

Maaari din aniya na kilalanin ng prosekusyon na dahil walang hurisdiksiyon ang korte maliit ang tiyansang maipagpatuloy ang imbestigasyon.

Ginawa ng international lawyer ang naturang pahayag matapos na ibasura ng ICC Appeals Chamber sa botong 3-2 ang apela ng Pilipinas para ihinto ang imbestigasyon ng ICC prosecutors sa umano’y alegasyon ng crime against humanity sa pagpapatupad ng kampaniya kontra iligal na droga sa ilalim ng nagdaang administrasyon.