KALIBO, Aklan—Suportado ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang Filipino Brand of Service Excellence program ng Department of Tourism para sa lahat ng mga accommodation establishments sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos, nagpalabas ng kautusan para dito si mayor Frolibar Bautista kung saan, ipinag-utos nito sa lahat ng tourism frontliners at service providers sa isla na sumailalim sa training hinggil sa nasabing programa.
Layunin nito na magkaroon ng uniform na greetings, serbisyo at pag-asikaso sa mga turista na may reklamo upang mapalakas ang pagiging unique ng hospitality ng mga pinoy na susundin ng mga frontliners at service sectors sa industriya ng turismo.
Malaking tulong aniya ang training upang mas pang mapa-improve ang kalidad ng tourism services.
Dagdag pa ni Delos Santos na mandatory ngayon sa isla ang “Mabuhay” gesture sa lahat ng mga guest upang maramdaman aniya ng mga turista ang mainit na pag-welcome sa kanila at mas pang mapalakas ang kanilang interes na muling babalik sa Boracay.
Target ng training program ang halos 100,000 na tourism workers sa bansa hanggang sa 2024 kung saan, nasimulan na ito ng mga frontliners at service providers sa isla.