Maigting na nakabantay ngayon ang Pilipinas sa posibilidad ng invasion ng China sa Taiwan.
Ayon kay Defense chief Gilberto Teodoro, patuloy silang nakamonitor araw-araw at umaasa na ang bilateral engagements sa pagitan ng Amerika at China ay magresulta sa paghupa ng mga tensiyon sa Taiwan.
Saad pa ng kalihim na una sa lahat dapat na magkaroon muna ng assessment kung ito ba ay posibleng mangyari o hindi.
Gayunpaman, patuloy ang kanilang pagpaplano sa lahat ng contingencies hindi lamang sa sigalot sa pagitan ng China at Taiwan kundi maging sa multi-agency effort gayundin sa defense effort.
Kung magugunita noong Hulyo 4, iniulat ng Taiwan defense ministry na nasa walong Chinese aircraft ang dumaan sa median line ng Taiwan Strait kasabay ng pagpapaigting pa ng military pressure ng China sa nasabing isla.
Iginigiit kasi ng China na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan sa kabila pa ng mariing pagtutol dito ng Taiwan.