-- Advertisements --

Kapwa kinikilala ng Pilipinas at ng Malaysia ang pangangailangang mapatatag pa ang kapayapaan sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay kasunod ng naging pulong nina Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro kay Deputy Secretary General Dato’ Ahmad Rozian bin Abd. Ghani ng Malaysian Ministry of Foreign Affairs sa Putrajaya, Malaysia.

Kapwa binigyang-diin ng dalawa ang pangangailangang magkaroon ng praktikal na ugnayan nang hindi naaapektuhan ang kanilang posisyon sa WPS.

Kinilala rin ng dalawang opisyal ang pangangailangang mapanatili ang kapayapaan at katatagan ng Asia-Pacific Region sa kabila ng kani-kaniyang claims sa disputed waters.

Kapwa may sariling claims ang Pilipinas at Malaysia sa Spratly Islands sa WPS kung saan sampung maritime feature ang inaangkin ng Malaysia.

Gayonpaman, lahat ng sampung feature ay inaangkin kapwa ng Vietnam at China.

Samantala, maliban sa isyu sa WPS ay tinalakay din ng dalawa ang pagtugon sa mga humanitarian concerns ng mga Pilipino sa Sabah, kasama na ang mga nakabinbing kasunduan, multilateral cooperation, atbpa.