Malugod na tinanggap ng Pilipinas ang inilabas na pahayag ng Group of 7 (G7) leaders na komokondena sa agresibong mga aksiyon ng China sa disputed waters.
Kasabay nito, nanawagan din ang PH sa China na itigil na ang pagbaluktot ng mga katotohanan, mga mapanganib na aksiyon at harassment laban sa mga barko at Filipino personnel.
Sa isang statement na inisyu sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi nito na ang joint statement ng G7 na kinabibilangan ng mga lider ng Italy, Germany, US, UK, Canada, France at Japan ay nagpapakita ng kanilang commitment para sa paninindigan sa rules-based international order at rule of law sa iba’t ibang dako ng mundo.
Sinabi din ng DFA na kaisa ang PH sa bisyon ng G7 para sa matatag at ligtas na Indo-Pacific region at naninindigan laban sa anumang mga aksiyon na sumisira sa pandaigdigang seguridad at kaayusan.
Dapat itigil na din aniya ng China ang provocative behavior at pagbaluktot nito sa mga katotohanan kabilang na ang pagsasabatas at pagpapatupad ng domestic laws at mga regulasyon sa legal na pagmamay-ari ng maritime zones ng Pilipinas na paglabag sa international law.
Sa pagtatapos ng summit ng G7 sa Apulia, Italy noong weekend, nagpahayag ang G7 leaders ng mariing pagtutol sa anumang unilateral attempt para baguhin ang status quo sa disputed waters ng pwersahan o sapilitan.