-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na mananatiling neutral sa gitna ng tumataas na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China kung saan nagpaparamdam ng pwersa ang dalawang world powers sa Asia-Pacific region.

Magugunitang inakusahan ng China ang bumibistang si US National Security Advisor Robert O’Brien para lumikha ng hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China kasunod ng kanyang naging komento sa South China Sea dispute.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi siya pwedeng magsalita alinman para sa US national security adviser o sa spokesperson ng China dahil spokesperson lamang siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sec. Roque, inihayag na ni Pangulong Duterte na talagang magkakaroon ng mas na mainit na tensyon sa pagitan ng mga superpowers sa rehiyon pero hindi makikisali ang Pilipinas sa kanilang paligsahan ng kapangyarihan.

Isusulong umano ng Pilipinas ang ating national interest pero sa pamamagitan ng mapayapang resolusyon ng West Philippine Sea dispute.

Kahapon sa kanyang pagbisita sa bansa, inihayag ni O’Brien na tanging mga Pilipino ang dapat makinabang sa natural resources sa mga inaangkin nitong teritoryo sa South China Sea paratikular ang West Philippine Sea.

Kasabay nito, nag-turnover din si O’Brien ng $18 million halaga ng missile package sa Pilipinas bilang pagpapatibay sa pangako ng Washington na idepensa ang bansa kapag inatake sa South China Sea.