Mariing kinondena ng gobyerno ang panibagong insidente ng pangha-harass ng China Coast Guard sa barko ng Pilipinas na nagsagawa muli ng resupply mission sa bahagi ng Ayungin Shoal kung saan naka station ang BRP Sierra Madre.
Kinumpirma ng National Security Council na kaninang alas-7:30 ng umaga ng muling tinangka ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia na harangin ang barko ng Pilipinas kung saan nagsagawa pa ang mga ito ng napaka delikadong maneuver.
Layon ng mga ito na pigilan ang isinasagawang resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Na water cannon ang Philippine supply vessel ang M/L Kalayaan ng China Coast Guard vessel na may bow number 5203.
Habang ang supply boats na Unaizah Mae 1 (UM1) at M/L Kalayaan ay nakaranas din sa lubhang walang ingat at mapanganib na maneuver mula sa China Coast Guard rigid-hulled inflatable boats (RHIB) sa loob ng Ayungin Shoal lagoon sa kanilang paglapit sa BRP Sierra Madre.
Gayunpaman, matagumpay na naabot ng dalawang supply boat ang LS 57.
Ipinarating na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa Chinese foreign ministry ang insidente at ipinoprotesta ang mga pagkilos na ito.
Nakipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs at direktang ipinarating ang protesta sa pamamagitan ng Maritime Communications Mechanism.
Mahigpit na dini-demand ng Pilipinas na umalis na kaagad sa paligid ng Ayungin Shoal ang mga Chinese vessels na responsable sa insidente.
Ayon sa National Security Council, ang sistematiko at pare-parehong paraan na isinasagawa ng People’s Republic of China ng kanilang mga iligal at iresponsableng pagkilos ay naglalagay sa tanong at makabuluhang pagdududa sa katapatan ng mga panawagan nito para sa mapayapang diyalogo.