-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na hindi hamak na mas maganda pa rin ang preparasyon ng Pilipinas sa pagho-host ng SEA Games kumpara sa mga bansa na nag-host na nito dati.

Inihayag ito ni Sotto makaraang igiit na hindi na dapat ireklamo at gawan pa ng isyu ang sinasabing atrasong paghahanda at hindi maayos na pagkain.

Ayon kay Sotto, ilang beses na siyang nakalahok bilang atleta noon sa SEA Games noong 1970s kung saan pinabayaan sila ng host country dahil gusto na matalo sila sa kompetisyon, sa kabila nito lagi silang nakakukuha ng medalyang ginto.

Sinabi pa ng opisyal na kung tutuusin, ang Pilipinas ang napakagaling na host dahil sobra tayong ‘hospitable.’

Naniniwala rin si Sotto na ang mga kontra kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpapalaki ng isyu sa SEA Games.

Sinisi rin nito ang social media na binibigyan ng importansya ang kasiraan sa SEA Games sa halip na ang suporta sa mga atleta.

Iginiit pa ng senador na hindi obligasyon ng host country na pakainin ang mga dayuhang participant.

Inihalimbawa niya na noong lumahok sila sa SEA Games, sagot nila ang lahat ng gastos sa pagkain at iba pang kailangan kahit pa ang board and lodging.