Sa pagtatapos ngayong araw ng evacuation ng Estados Unidos sa Afganistan, nag-abiso naman sa buong mundo si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi basta-basta tatanggap ang Pilipinas kung sakali man ng mga refugees.
Sa kondisyon ng kalihim, tatanggap lamang ang bansa ng mga refugees kung ito ay request ng government to government at ang tanging ang kanilang foreign ministers o kaya ang kanilang justice ministers ang hihiling.
Partikular ding tinukoy ni Locsin na papayagan lamang niya ang mga request na manggagaling sa Amerika, United Kingdom at ilan pang western countries na aktibo sa pagsasagawa ng evacuation sa mga gustong umalis ng Afghanistan dahil sa takot sa bagong gobyerno ng Taliban.
Binigyan diin pa ni Locsin na hindi tatanggap ang Pilipinas ng anumang kahilingan na asylum mula sa mga NGO o kahit ano pang mang kilalang mga partido.
Nangangamba ang DFA secretary na baka mauwi sa bayaran ang refugee status lalo na kung merong mayayaman na hihingi ng tulong.
Tiniyak pa ng opisyal na hindi ito mangyayari sa kasalukuyang Duterte administration at maging sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
“The Philippines will not accept nor listen to any proposition to accept any refugees unless it is government to government and only by their respective Foreign and Justice ministers; especially of the UK, the US and other Western countries most active in the evacuation,” ani Locsin sa statement. “We will not entertain any request for asylum coming from NGOs however well-meaning or reputable or any other non-state parties.”