-- Advertisements --

Sinita ni Senior Deputy Minority Leader Janette Garin ang Department of Budget and Management (DBM) sa mabagal umano na pahg-release ng pondo at pagiging “selective” sa panahon ng pandemya.

Sa debate sa 2021 budget ng DBM sa Kamara, sinabi ni Garin na P1.9 trillion pa mula sa 2019 at 2020 national budget ang hindi nagagamit hanggang noong Hunyo.

Iginiit ni Garin na hindi dapat itinatago ang kaban ng bayan lalo pa ngayon at bagsak ang ekonomiya ng bansa at marami ang nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.

Makailang ulit na aniyang sinasabi ng ilang eksperto na mahalaga ang job creation sa gitna ng pandemya upang muling masindihan ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Garin, base sa mga ekonomista ang may pinakamalaking multiplier effect ay ang infrastructure sector.

Cong Janet garin House

Nauna nang sinabi ni Public Works Sec. Mark Villar sa budget deliberations sa Kamara na P135 billion halaga ng infrastructure projects ang hindi na mapopondohan ngayong 2020 dahil ginawa na itong For Later Release at isinama na lamang sa 2021 budget.

Sinabi ni Garin na maliit na bahagi lamang ang P135 billion na ito sa P1.9 trilion unused funds para matulungan at mabigyan sana nang trabaho ang nawalan ng hanapbuhay sa mga nakalipas na buwan dahil sa pandemya.

Hindi aniya tama na ginagamit ang Bayanihan 1 bilang dahilan para linlangin ang taumbayan.

Paliwanag ni Garin, Agosto nang naisumite ng DBM ang National Expenditure Program sa Kamara kaya wala nang epekto rito ang Bayanihan 1 sapagkat Hunyo pa nang mapaso ito.

“Ipagpalagay na natin na ang P1.9 trillion ay maging P1 billion na lang how on earth can you finish a P1.9 trillion in the next three last months of the year. So bakit kailangang hindi gamitin o taguin muna ang pera samantalang hirap na hirap na ang ating mga kababayan?” tanong pa ni Garin sa DBM.

Nauna nang sinabi ni Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II na ang Bayanihan 1 ang dahilan kung bakit naisama sa For Later Release ang P135 billion halaga ng infrastructure projects ng DPWH, na inaasahang magbibigay sana ng maraming trabaho.