Ipinagmalaki ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon nang 21 reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) laboratories ang Pilipinas na pinatatakbo ng mga local government units.
“Before we only had Marikina City with its own LGU-run RT-PCR laboratory,” wika ni DILG Sec. Eduardo Año sa isang pahayag.
“Now we have 21 all over the country and more are in the pipeline. I’m proud of these LGUs for passing the stringent DOH licensing procedure,” dagdag nito.
Ayon pa sa DILG, nakapasa ang lahat ng mga laboratoryo sa 5-stage DOH criteria bago bigyan ng certification para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing.
Dahil sa mabilis na naikakalat ang naturang virus sa pamamagitan ng community transmissions, itinuturing ng kagawaran na welcome development ang ganito karaming testing labs.
“Kaya magandang balita po ito na pinapalakas ng ating mga lokal na pamahalaan ang kanilang kapasidad upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan na matiyak sa kanilang komunidad kung sinu-sino ang dapat matest, mabigyan ng atensyong medikal o i-isolate,” ani Año.
Sinabi pa ng kalihim, 14 sa mga laboratoryo ang nasa Luzon, tatlo sa Visayas, at apat sa Mindanao.
Samantala, sa kasalukuyan ay nasa 130 na ang mga lisensyadong COVID-19 testing laboratories sa buong bansa.
“If we remember, noong March, lahat ng tests natin ay puwede lang magawa sa RITM. Nasa 400 tests lang ang nagagawa kada araw,” anang kalihim.
“Now, we are able to conduct around more than 30,000+ tests daily. This is a significant achievement and the LGUs are a big part of this,” dagdag nito.
Sa pinakahuling tala mula sa DOH, umabot na sa mahigit 3.3-milyong indibidwal na ang na-test sa Pilipinas.
“This is of course a welcome development to have our LGUs to actively seek out applications to set up their own testing laboratories in their respective jurisdictions,” pahayag ni DILG spokesperson Jonathan Malaya.