MANILA – Iginupo ng koponan ng Myanmar ang national team ng Pilipinas sa ikatlong araw ng men’s football sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games na ginanap sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Ang Myanmar na nagtapos sa ika-apat na puwesto sa nakalipas na dalawang taon ang unang nakakuha ng puntos sa 17th minute nang pinagulong ni Myat Kaung Khant ang bola kay Aung Kaung Mann para makalamang sa Pilipinas sa scoreboard.
Nagawang makabawi ng Pilipinas nang ipasa ni midfielder Yrick Gallantes ang bola kay Dennis Chung na siyang sumipa naman kay defender Justine Baas para itabla ang laro sa 1-1 sa 46th minute ng first half.
Lumamang muli ang koponan ng Myanmar pagsapit ng second half matapos na malingat si Azkals defender Amani Aguinaldo sa sayaw ni forward Min Naing Tun sa 77th minute.
Una rito, makailang ulit pang tinangka ng Pilipinas na makagawa ng puntos nang pangunahan ni Stephen Schrock ang counter bago ipinasa kay Chung na nakapuwesto malapit sa goal at makapag-layoff kay Baas na tumira pero kinapos.
Nito lamang nakalipas na araw, nauwi naman ang laban ng mga Pinoy sa draw, 1-1, kontra Cambodia.
Sa Biyernes sasampa muli ang Pilipinas sa pitch kontra Malaysia dakong alas-8:00 ng gabi kasunod ng laban sa pagitan naman ng Timor Leste at Myanmar na gaganapin ng alas-4:00 ng hapon.