-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Philippine national men’s volleyball team na malaki ang maidudulot sa kanila ng kanilang 16-day training camp sa Tokyo, Japan bilang paghahanda sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay head coach Dante Alinsunurin, maliban sa exposure ay layunin nila na ma-develop pa ang camaraderie at mas mapahusay pa ang chemistry ng mga miyembro ng team.

Sinabi pa ni Alinsunurin, nais nilang subukin ang kanilang mga sarili sa magiging sitwasyon sa mismong laro.

Mainam din aniya ito upang malaman nila ang gagawin nilang mga adjustments sakaling maharap sila sa mas malakas na koponan.

Maganda rin umanong training venue ang Japan dahil sa mabibilis at matatalinong kalaban ang mga Hapon.

“Siyempre (gusto natin) magain yung experience namin then yung team maging maganda yung samahan, yung jell sa loob ng court,“ wika ni Alinsunurin.

“Actually more on game situation meron kasi silang sistema na kahit papaano na makita namin na mas effective siguro pagdating sa SEA Games kasi siyempre ang Japan kasi mabibilis ang laro. Yun sana ang ma-adapt namin,” dagdag nito.

Sa panig naman ni Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) Vice President at National Team Program Director Peter Cayco, wala silang ibang hiling kundi ang makatuntong sa podium ang men’s squad, na halos isang taon nang regular na nagsasanay.

Huling pumoste ng podium finish ang mga Pinoy nang nasungkit nito ang bronze medal noong 2005 SEA Games na ginanap dito sa Pilipinas.

Matapos naman ang 10-taong hiatus, bumalik ang Pilipinas ngunit hindi naman ito nagtagumpay sa kanilang kampanya noong 2015 at 2017 SEA Games.