-- Advertisements --
volleyball seag

Mainit agad ang naging bakbakan sa pagitan ng koponan ng Pilipinas at Cambodia sa elimination round ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games Men’s Volleyball tournament.

Sa unang set pa lang ng laban, nagpakitang gilas na ang players ng Pilipinas sa pangunguna ng outsider hitters na sina Marck Espejo at Pinoy import mula Japan na si Bryan Bagunas.

Sunod-sunod ang score ng team hanggang sa mahabol ng Cambodia.

Naitala 16-12 ang score sa pagtatapos ng 2nd technical time-out, na isa sa mga biggest lead ng dayuhang koponan.

Sumagot naman dito ang Pilipinas hanggang maipantay ang score sa 23-23.

Nakuha ng bansa ang unang match point sa 24-23 pero muling naka-score ang Cambodia kaya umurong ang goal point.

Makapigil hininga ang naging palitan ng puntos na galing sa errors at spike ng parehong team.

Pero isang solid block mula sa 19-year old setter na si Josh Retamar ang tumapos sa first set: 29 – 27.

Hindi na nabali ng Cambodia ang momentum ng Pilipinas na tumambak sa kanila ng score na 25 – 17 sa parehong second at third set.

Best scorer ng host team ang 5-time UAAP MVP na si Espejo na pumalo ng 21 points.

May 14 points naman si Bagunas at 11 si Retamar.

Ngayong gabi maghaharap naman sa unang pagkakataon ang Women’s team ng bansa kontra Vietnam.

Kung saan inaabangan ang performance ng volleyball stars na sina Alyssa Valdez at Abigail Marano.

Parehong koponan din ang makakalaban ng men’s team sa Miyerkules sa bagong renovate na venue na PhilSports Arena, Pasig City.

May 6 medal record ang men’s volleyball team ng Pilipinas sa kasaysayan ng SEA Games.

Huling umakyat sa podium ang men’s team noong 2005 kung saan nagtapos ang koponan sa 3rd place.