CAGAYAN DE ORO CITY – Iminumungkahi ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa gobyerno na isailalim ng masinsinan na pag-rebyo ang Philippine Mining Act of 1995.
Ito ay upang maitimbang kung dapat bang ipagpatuloy o kaya’y tuluyang ibasura ang batas dahil panganib lang para sa buhay ng mga mahihirap ang naidulot nito sa bansa.
Ginawa ni KMP chairperson Danilo Ramos ang suhestiyon alinsunod sa nangyaring pagkasawi ng ilang maraming mining workers nang matabunan ng gumuhong lupa sa Maco,Davao de Oro nitong linggo lamang.
Sinabi ni Ramos na tanging mga banyagang kapitalista at hindi ang kapwa Filipino ang totoong nakikinabang ng mga pagmimina at sirang-sira pa ang mga lupa na nagsilbing mining sites nila.
Una nang tinukoy ng grupo na ang malawakang mining at illegal logging operations ang nagpatindi ng epekto sa mga pag-ulan at dating low pressure area na dating tumama sa Davao region dahilan na marami ang mga residente na nasawi maging higit milyong indibidwal ang inilikas dahil sa mga pagbaha.