-- Advertisements --

Muling nahalal ang Pilipinas bilang vice president ng 26th General Assembly of the United Nations Tourism at Chair ng Commission for East Asia and the Pacific (CAP) mula 2025 hanggang 2027.

Sa sidelines ng 56th Meeting ng UN Tourism CAP sa Jakarta, Indonesia, pinasalamatan ni Tourism Secretary Christina Frasco ang member states ng UN Tourism at nangakong isusulong ng Pilipinas ang mas malakas na pakikipagtulungan sa UN body.

Sa muling pagkakahalal ng PH, sinabi ng DOT na ipagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatibay ng commitment para sa global tourism cooperation at diplomacy.

Ayon sa kalihim, ang tourism agenda ng Pilipinas ay nakahanay sa UN Tourism lalo na sa pagpapahusay sa tourism education at pagpapalakas ng inobasyon at digitalisasyon sa sektor.

Nauna ng nahalal ang Pilipinas sa parehong mga posisyon matapos ang halalan sa 55th Meeting ng UN Tourism Regional Commission for East Asia and the Pacific sa Cambodia noong 2023.

Kasunod ng makasaysayang halalang ito, matagumpay na nag-host ang Pilipinas sa 36th CAP-CSA at inaugural ng UN Tourism Regional Forum for Gastronomy Tourism noong nakalipas na Hunyo 2024, na nagtipun-tipon sa mahigit 600 delegates mula sa mahigit 40 bansa na idinaos sa Cebu.