MANILA – Nagpasaklolo na sa World Health Organization (WHO) ang Pilipinas kasunod ng pagsirit sa bilang ng mga kaso ng mas nakakahawang variants ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
“Humingi na tayo ng tulong sa WHO. We had a meeting with them last Friday para matulungan tayo to further analyze itong sitwasyon na mayroon tayo sa ngayon,” ayon kay Health Usec. Maria Vergeire sa isang press briefing.
Batay sa huling update ng DOH, mayroon nang 118 na kaso ng mas nakakahawang UK variant, at 58 kaso ng isa pang mas nakakahawa at sinasabing may epekto sa bakuna na South African variant.
Sa kabila nito nilinaw ni Usec. Vergeire na wala pang community transmission ng nasabing variant sa bansa. Kabilang din daw ito sa kanilang aalamin sa imbestigasyon kasama ang WHO.
“Wala tayong confirmed community transmission as of yet. We are still further studying the cases.”
Aminado ang Health department na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga araw.
Pero hindi pa raw pwedeng sabihin na variants ang rason kung bakit unti-unting sumisirit ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus.
“Tumataas ang kaso totoo, pero di pwedeng sabihin na variants ang nag-cause solely. Kaya tumataas ang kaso kasi nakakaligtaan nating ayusin at mag-comply sa minimum health standards.”
Sa loob ng nakalipas na tatlong araw, higit 3,000 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng DOH.
Pumalo na sa 594, 412 ang kabuuang bilang ng coronavirus cases sa Pilipinas.