Nakahandang magpadala ang Pilipinas ng panibagong contingent sa Myanmar kung saan tumama ang magnitude 7.7 na lindol na kumitil na ng mahigit 3,300 katao.
Sa isang statement, tiniyak ni Office of the Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno na sakaling kailanganin ng Myanmar ang karagdagang tulong, nakahandang mag-deploy ang Pilipinas ng karagdagang humanitarian contingent kapalit ng unang ipinadalang team na nakatakdang bumalik ng bansa sa Abril 12.
Ayon sa opisyal, maaaring isama ang mga Pilipino na nais ma-repatriate sa pagbalik ng humanitarian contingent sa Pilipinas.
Matatandaan na nasa kabuuang 91 ang miyembro ng Philippine contingent ang dumating sa Myanmar na kasalukuyang tumutulong sa pagbibigay ng medical assistance at search and rescue operations sa mga lugar na tinamaan ng malakas na lindol.
Sa ibinahaging update ng OCD, iniulat nito na binisita ni Contingent Commander Lt. Col. Erwen Diploma ng Philippine Air Force kahapon, ang Urban Search and Rescue (USAR) team sa gumuhong Jade City Hotel site kung saan nakadeploy ang team mula sa Pilipinas kasama ang Myanmar, Vietnam at Indonesia na nagtulong-tulong sa paghahanap sa mga posibleng biktima na na-trap sa gusali.
Sinimulan na rin ng Philippine Emergency Medical Assistance (PEMAT) Visayas ang pagbibigay ng libreng check-ups at medisina kasama ang mga kinatawan mula sa Myanmar Ministry of Health at Ministry of Information.
Sa kabila naman ng mga hamong kinakaharap ng search and rescue team ng PH sa paghahanap sa hotel kung saan gumuho ang ground floor nito, dahil sa limitadong komunikasyon at matinding init ng panahon, epektibong naisagawa ng grupo ang kanilang mga operasyon.
Nakatutok ang USAR team sa pag-rekober sa mga biktima sa naturang hotel bagamat naantala ito dahil sa mabibigat na debris. Lahat naman ng personnel ay accounted at nasa magandang kalusugan.
Tiniyak din ng PH Inter-Agency Humanitarian Contingent na committed ito sa pagtulong sa mga apektadong komunidad sa Myanmar.