Ipinahayag ng Department of Energy (DOE) na naabot ng Pilipinas ang pinakamataas na renewable energy (RE) capacity nito noong 2024, na umabot sa 794.34 megawatts (MW).
Ang milestone na ito ay lumampas sa kabuuang RE capacity na na-install mula noong 2021 hanggang 2023, na umabot lang sa 759.82 MW.
Sa isang pahayag, binigyang diin ng DOE ang tuloy-tuloy na paglago ng RE capacity, na nagsimula sa 230.10 MW noong 2021 at tumaas sa 328.18 MW noong 2022, ngunit bumaba sa 201.54 MW noong 2023. Binanggit ng ahensya ang kahanga-hangang pag-unlad naman nito noong 2024 bilang patunay na epektibo aniya ang mga polisiya ng gobyerno para sa RE.
Iniuugnay rin ng DOE ang mga polisiya ng administrasyong Marcos Jr. na nakakaakit umano ng mga mamumuhunan mula sa pribadong sektor, na siyang nagpapabilis sa paglipat ng bansa sa malinis na paggamit ng enerhiya.
Bukod dito, nakatulong din aniya ang Net-Metering Program ng 141 MW mula noong 2015 hanggang 2024, habang ang mga sariling proyekto ng RE mula 2009 hanggang 2024 ay nakapag-generate ng karagdagang 252 MW.
Binanggit din ng DOE na dahil sa pagtaas ng Renewable Portfolio Standards (RPS), na nagtaas ng RE requirement mula 1% hanggang 2.5% simula noong 2023, lalong lumakas pa umano ang demand para sa RE.
Sa ilalim ng RPS, inaatasan ang mga utility companies na kumuha ng isang porsyento ng kanilang pangangailangan sa kuryente mula sa RE.
Dagdag pa ng DOE, ang pagbaba ng presyo ng mga teknolohiya ng RE, partikular ang mga solar panel, ay nagbigay daan upang maging mas competitive ang sektor laban sa mga fossil fuels.
Ipinahayag pa ng DOE ang kanilang pangako na masusing subaybayan ang mga proyektong may kinalaman sa transmission lines upang matiyak na ang mga na-install na RE capacity ay maaayos na maisasama sa grid.