MANILA – Aabot na sa 3,299,470 doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok ng Pilipinas.
Batay sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH), as of May 18, mayroong 1,129 active vaccination sites sa buong bansa.
Mula sa naturang bilang, may 2,512,942 nang nabigyan ng first dose.
Habang 786,528 na ang naturukan ng ikalawang dose. Ibig sabihin, “fully vaccinated” na laban sa COVID-19.
Kabilang sa mga nabakunahan na ang healthcare workers, senior citizens, may comorbidity, at ilang economic frontliners.
Ayon kay DOH Usec. Myrna Cabotaje, nasa 108,540 na ang 7-day average ng COVID-19 vaccination.
Dahil dito, inaaasahan daw na bago matapos ang buwan ng Mayo ay aabot na sa higit 4-million indibidwal ang matuturukan ng bakuna.
“Iisa isahin yung mga focus LGUs para makita yung kapasidad, yung target na kailangan nilang makuhang jabs, based on this we will have their allocation plan, bibigyan natin sila ng 1-week allocation kapag mabilis sila bibigyan ng additional, yung mabagal tutulungan paano makamit yung target based on their capacities.”
Nasa 7.7-million doses ng COVID-19 vaccines na ang natanggap ng Pilipinas mula sa donasyon at binili ng pamahalaan.
Ang mga bakuna laban sa COVID-19 na nakarating na sa Pilipinas ay ang Sinovac, AstraZeneca, Gamaleya (Sputnik V), at Pfizer-BioNTech.