Nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamabilis ng paglago ng ekonomiya noong ikalawang kwarter ng 2024.
Sa isang press conference, iniulat ni National Statistician at PSA USec. Claire Dennis Mapa na lumago sa 6.3% ang gross domestic product (GDP) o ang kabuuang halaga ng goods at mga serbisyong na-produce ng bansa mula Abril hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Mas mabilis ang paglagong ito kumpara sa GDP growth rate na naitala noong unang kwarter ng 2024 na nasa 5.8%.
Ito na rin ang itinuturing na pinakamabilis na paglago ng ekonomiya ng ating bansa mula sa nakalipas na 5 quarters o simula noong unang kwarter ng 2023 na nakapagtala ng 6.4%.
Samantala, naungusan ng PH ang ekonomiya ng ibang mga bansa sa Silangang Asya para sa ikalawang kwarter gaya ng Malaysia na nasa 5.8%, Indonesia na nasa 5% at China na nasa 4.7%.
Bunsod ng significant development na ito, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan nagresulta ito 6.0% GDP growth ng PH para sa unang kalahating taon at on track para makamit ang target na paglago na 6% hanggang 7% para sa 2024.