Patuloy ang pagbuhos ng tulong mula sa iba’t ibang mga bansa para sa mga sinalanta ng nagdaang bagyong Kristine.
Kaugnay nito, nakatakdang makatanggap ang Pilipinas ng multi-bilyong peso na halaga ng international aid mula sa European Union, United Arab Emirates at Taiwan.
Ngayong Huwebes, inaprubahan ng EU ang 1.5 million euros o katumbas ng tinatayang P94 million na humanitarian aid para matulungan ang pinakamatinding sinalantang mga Pilipino lalo na sa Bicol at CALABARZON region. Ang naturang emergency funding ay karagdagan pa sa 4.5 million euros na inilaan para sa PH ngayong taon para sa humanitarian aid.
Gayundin, inanunsiyo ngayong araw ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) na magbibigay ito ng donasyon na $150,000 o tinatayang P8.7 million sa gobyerno ng PH bilang pagpapakita ng compassion ng Taiwan at pakikiisa sa mga pamilyang Pilipino na naapektuhan ng bagyo.
Inihahanda na rin ng United Arab Emirates ang donasyong 33,000 kahon ng family food packs bilang pandagdag sa ginagawang relief operations. Papangunahan ng UAE Embassy na nakabase sa Maynila ang pamamahagi ng naturang relief supplies kung saan uunahing bigyan ang Bicol na matinding hinagupit ng nagdaang bagyo.