-- Advertisements --

Kasalukuyang nakikipag-negosasyon na ang gobyerno ng Pilipinas sa Sana’a government sa Yemen para mapalaya ang may-sakit na Pilipinong seafarers na bihag ng Houthi rebels.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Honorary Consul to Yemen Mohammad Saleh Al-Jamal na ilang mga Pilipinong tripulante na sakay ng MV Galaxy Leader na nakakaranas ng health issues at nagpapakita ng sintomas ng malaria base na rin ito sa memorandum mula sa Department of Foreign Affairs noong Hulyo 30.

Hiniling na ng Honorary Consul sa gobyernong kontrolado ng Houthis na palayain ang mga Pilipinong crew para sa humanitarian reasons dahil sa kondisyon ng kanilang kalusugan.

Ayon naman sa DFA, nagbigay ng medical assistance ang mga awtoridad ng Yemen sa mga bihag na Pilipino kabilang ang pagpapadala ng specialized doctors para maghatid ng kaukulang medical procedures.

Sinabi din ng DFA na papalayain umano ng Sana’a government ang mga Pilipino depende sa external decisions kayat mahalaga ang negosasyon at diskusyon para sa kanilang posibleng paglaya.

Matatandaan, kinumpiska ng Houthi rebels ang Galaxy Leader noong November 19, 2023, ang unang at nagiisang barko na kinuha ng Houthis sa kanilang kustodiya simula ng maglunsad sila ng pag-atake sa mga shipping vessels partikular na sa Red Sea at Gulf of Aden bilang pakikiisa sa kanilang kaalyadong Hamas sa Gaza.