-- Advertisements --

Matapos kanselahin ng Pilipinas ang pagbili ng helicopters mula sa Russia na nagkakahalaga ng P12.7 billion para makaiwas sa posibleng sanctions, tinitignan ngayon ng pamahalaan bilang alternatibo ang pagbili ng heavy-lift Chinook helicopters mula sa Amerika.

Maaalala, noong hunyo bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte, iniatras ng gobyerno ang deal nito sa Russia na pagbili ng 16 Mi-17 Russian military transport helicopters dahil sa pangamba ng pagpataw ng sanctions ng Amerika may kaugnayan sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Philippine ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, papalitan ng US helicopters ang existing hardware na ginamit para sa movement ng pwersa ng militar at sa disaster preparedness sa Southeast Asian country.

Aniya, payag ang US sa kasunduan para sa halagang inilaan ng Pilipinas para sa pagbili ng Russian helicopters kung saan kasama sa naturang deal ang maintenance, service at parts para sa military helicopters.

Sa kasalukuyan nakikipag-diskusyon na ang Philippine government sa Russia upang marefund ang $38 million down payment para sa helicopters.