-- Advertisements --

Ibinunyag ng Department of Tourism (DOT) na sinimulan na nila ang pakikipag-ugnayan sa ilang mga bansa kaugnay sa posibleng bilateral flight agreements upang makinabang ang mga local tourist sites sa Pilipinas.

Sa isang press briefing sa lalawigan ng Bohol, sinabi ni DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat na kanila nang kinakausap ang ilang mga bansa, partikular ang may mabababang bilang ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaugnay sa nasabing paksa.

Kabilang daw sa mga bansang kanila nang nakausap ang South Korea, Japan, at Australia na karaniwang pinagmumulan ng mga banyagang turista na dumadalaw dito sa bansa.

“We’ve been having informal talks, together with the DFA, but of course everything is fluid. But then we’ve already been talking that once travel restrictions have been lifted, we can already talk about direct flights,” wika ni Romulo-Puyat.

Samantala, aabot sa P2.1-billion na pondo ang makukuha ng Bohol mula sa national government na ilalaan para sa pagpapasigla ng kanilang tourism industry na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Paglalahad ni Puyat, nanggaling daw ang naturang halaga sa pautang ng World Bank.

Ito lamang din aniya ay bahagi ng unang phase ng pagpapalakas sa sektor ng turismo sa Bohol, na kilala sa kanilang magagandang mga beach, at ang sikat sa buong mundo na Chocolate Hills.

Nakatakdang buksan ng lokal na gobyerno ng Bohol ang kanilang tourism industry sa huling quarter ng 2020, sa pakikipag-ugnayan na rin nila sa Inter-Agency Task Force (IATF-EID) at sa DOT.

Ayon kay Bohol Governor Arthur Yap, maliban sa pagtalima sa national standards, isusulong din aniya nila ang local accreditation process para sa mga tourism players tampok ang “Ultimate Bohol Experience” standard.

“That’s what Bohol is all about, it’s about the sustainable, eco-agri tourism. We want to protect our patrimony to make sure that these are going to be here for ages to come,” ani Yap.

“I think it’s necessary, but not just necessary, I think it’s a surmountable requirement.”