Nakikitaan ang Pilipinas ng potensyal na maging isang attractive medical tourism destination.
Ayon kay Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, dahil na rin ito sa pang-world class na mga ospital at pasilidad na mayroon ang bansa, gayundin ang mahuhusay na doktor at nurses, at ang pagiging hospitable o magiliw na pagtanggap ng mga bisita ng mga Pilipino.
Maging si Juergen Steinmetz na kabilang sa mga delegasyon na dumalo sa World Travel and Tourism Council Summit na ginanap kamakailan, ay inihayag ang posibilidad na maging top medical tourism destination ang Pilipinas.
Ibinahagi nito ang personal na karanasan sa pagpapagamot sa Makati Medical Center para sa kaniyang kaliwang binti makaraang ma-diagnose na “inflicted” ng flesh-eating bacteria.
Nandito na aniya sa bansa ang mula sa excellent world-class doctors at pasilidad, at ang mga nurse na napanatili ang mataas na quality care standard sa buong mundo, kaya inilarawan nito na maganda ang Pilipinas kung saan din matatagpuan ang kaaya-ayang beach at masasarap na pagkain.
Aniya, mas mura rin ang pagpapagamot sa Pilipinas kompara sa ibang bansa.
Kaugnay nito ayon kay Puyat, plano ng ahensiya na palakasin pa ang medical tourism ng bansa sa gitna ng pandemya kung saan iha-highlight ang kahalagahan ng medical travel at wellness tourism.
Plano rin aniyang pataasin ang public awareness sa medical tourism sa global market.