-- Advertisements --

Nakitaan ng nakakaalarmang mataas na antas ng suspected retail digital fraud ang Pilipinas sa kamakailang holiday shopping weekend mula noong huling bahagi ng Nobiyembre hanggang sa unang bahagi ng Disyembre 2024.

Base sa pagsusuri mula sa TransUnion, isang credit program reporting company, sa kabuuan nakitaan ang Pilipinas ng average digital fraud rate na 13.6% sa kasagsagan ng holiday shopping weekend, mas mababa ito sa 14.3% na naitala sa parehong panahon noong 2023.

Subalit ayon sa TransUnion, ang naturang antas ay nakakaalarma dahil mas mataas ito kumpara sa pandaigdigang average na 4.6%.

Paliwanag ng kompaniya na posibleng paigtingin pa ng mga fraudster ang kanilang mga pag-atake ngayong maraming mga Pilipino ang karaniwang tumatanggap ng kanilang sahod, mandatoryong 13th month pay at Christmas bonus sa nasabing period.

Sa mga konsyumer aniya na sabik na gastusin ang kanilang mga bonus sa magagandang deals online para bumili ng mga regalo, nagiging pagkakataon aniya ito sa mga fraudsters para manamantala sa mga shopper.

Ang pinakabagong analysis aniya ay nagbibigay ng mas marami pang rason para sa mga konsyumer na maging vigilant at para tugunan ng gobyerno ang mga natitirang mga butas sa laban kontra cyber fraud sa bansa.

Matatandaan na nauna na ngang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas aang Anti-Financial Account Scamming act na naglalayong labanan ang financial cybercrimes, protektahan ang mga interes ng mga financial consumer at pagtibayin ang integridad ng financial system sa bansa.

Sa ilalim nito, ipinagbabawal at pinaparusahan ang mga financial crimes tulad ng money mules, pagsasagawa ng social engineering schemes at pag-commit ng economic sabotage.