Nagbigay ang Pilipinas ng mga supplies para sa mga naapektuhan ng gera sa Gaza sa pamamagitan ng Humanitarian Air Bridge Campaign.
Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng tulong sa mga apektadong mga Palestino na higit na naapektuhan ng sigalot ng Israel at Hamas.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), kabilang sa donasyon ang 8,323 bonnet, 3,187 pares ng gloves, at 20 kumot. Naganap ang turnover sa NDRRMC Operations Center sa Camp General Emilio Aguinaldo, na pinangunahan ni OCD Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno.
Dumalo rin sa naturang seremonya ang mga opisyal mula sa Jordanian Honorary Consulate at Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Nepomuceno ang kahalagahan ng kontribusyon ng Pilipinas sa Humanitarian Air Bridge Campaign na pinangunahan ng Hashemite Kingdom of Jordan.
Kung saan itinampok niya ang pakikiisa ng bansa sa mga Palestinian sa Gaza at ang kahalagahan ng agarang tulong sa gitna ng patuloy na lumalalang krisis doon.
Ayon sa mga ulat, nagsimula nang bumalik ang libu-libong mga Palestino sa Gaza. Gayunpaman, karamihan sa mga istruktura ay lubhang napinsala gayundin ang kawalan ng supply ng kuryente sa lugar at mga pangunahing supplies.
Ayon sa Ministry of Health ng Gaza, halos 47,000 Palestino ang namatay mula nang magsimula ang digmaan noong Oktubre 2023.