Nananatiling committed ang Pilipinas sa pag-resolba sa mga isyu kaugnay sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomasiya at dayalogo sa kabila ng agresyo ng China.
Ito ang binigyang diin ni National Security Adviser at National Security Council (NSC) Director General Eduardo Año kasabay ng pagpapalakas ng defense capabilities ng ating bansa.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat na gumawa ng mga hakbang na higit pa sa paghahain ng protest laban sa mga agresibong aksiyon ng China sa ating territorial waters.
Kamakailan nga naghain ng panibagong note verbale ang PH sa China matapos masugatan ang ilang Navy personnel kabilang si Seaman First Class Jeffrey Facundo na naputulan ng hinlalaki sa panghaharass ng Chinese vessels sa kanila sa kasagsagan ng resupply mission noong Hunyo 17.
Aniya, bagamat kanilang mariing kinokondena at lubos na ikinakabahala ang patuloy na agresibong aksiyon ng China, nananatili pa rin ang pagtataguyod nila ng kapayapaan at istabilidad sa loob at palibot ng ating teritoryo.
Sa kabila din nito ipagpapatuloy aniya ng Marcos admin kasama ang AFP sa pagdepensa ng ating bansa, mamamayan, territorial integrity at sovereign right.