Inaprubahan ng Monetary Board ang patuloy na paglahok ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa Financial Transactions Plan (FTP) ng International Monetary Fund (IMF) para sa period ng Agosto 2024 hanggang Enero 2025.
Nangangahulugan ito na napanatili ng bansa ang net creditor position nito sa IMF na binibigyang-diin ang mahusay na macroeconomic fundamentals ng bansa.
Ang malakas na suporta sa Pilipinas ay tumutugon sa development plans ng bansa na magiging kapaki-pakinabang sa publiko.
Ang Financial Transactions Plan ay isang currency exchange arrangement sa pagitan ng IMF at ng mga karapat-dapat na miyembro para mapadali ang pagpapahiram ng IMF sa ibang mga bansang miyembro.
Ang IMF ay naglalaan ng interes, na tinatawag na remuneration, sa mga kalahok sa FTP tulad ng Pilipinas.
Sa pagpili ng mga miyembro na isasama sa FTP, isinasaalang-alang ng IMF ang kapasidad ng mga pagbabayad at posisyon ng reserba ng miyembro, katatagan ng palitan at mga pamilihan sa pananalapi, pati na rin ang pagiging sapat ng mga international reserve assets ng bansa upang matiyak na matutupad ang kanilang mga obligasyon sa loob ng tinukoy na panahon.
Unang naging bahagi ang Pilipinas sa FTP noong Agosto 2010 alinsunod sa Special Authority na ipinagkaloob ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa BSP.