-- Advertisements --

Napag-iiwanan na umano ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya na nagsasagawa na ng face-to-face classes.

Sa media briefing sa Malacanang, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na ito raw ang sinabi sa kanya ng UNICEF sa naging pulong nila kamakailan.

Paglalahad ni Briones, “contextualized” ang face-to-face classes sa ibang bansa kung saan may iba aniya na may isang oras sa isang linggo habang ang iba naman aniya ay dalawang araw, depende sa situwasyon.

“Pero tayo na lang ang talagang hindi pa natin pinapayagan ang face-to-face classes dahil nga ang nangyari ay paglabas ng UK variant.. syempre nag-worry ang Presidente na baka may epekto ito sa mga ating mga eskuwelahan,” wika ni Briones.

Magugunitang noong Disyembre ng nakalipas na taon nang payagan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng pilot implementation ng in-person classes.

Ngunit napilitan ang Pangulong Duterte na ipagpaliban ito dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19 na unang na-detect sa United Kingdom.

Gayunpaman, ayon kay Briones, tuloy-tuloy lamang ang paghahanda ng kagawaran sa pagdating ng panahon na bawiin na ang ipinatupad na deferment sa pilot studies sa bansa.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tatalakayin ng Gabinete sa susunod na linggo ang posibilidad ng pagsasagawa ng face-to-face classes sa piling mga lugar.