-- Advertisements --

Kung ikukumpara umano ang ipinatutupad na fiscal at monetary measures ng bansa sa ibang ASEAN countries ay malinaw na makikitang napag-iiwanan na tayo.

Ayon kasi sa Asian Development Bank (ADB), tinataya na ang kabuuang policy measures na inilatag ng gobyerno at ng central bank ay nasa $22 billion o P1 trillion pesos o halos P10,000 per capita sa pagitan ng buwan ng Marso at Disyembre. Katumbas ito ng 5.9% ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Batay sa ulat nito na “One Year of Living with COVID-19: An Assessment of How ADB Members Fought the Pandemic in 2020,” ipinaliwanag ng ADB na magkapareho lang ang packages ng Pilipinas at Indonesia pagdating sa monetary values.

Gumagastos daw kasi ang Indonesia ng $426 per capita o mahigit P20,000, Malaysia (P120,000); Thailand (P60,000); at Singapore (P800,000)

Mas malaki rin daw ang ginastos ng Pilipinas kumpara sa inaasahan ng ADB.

Sa ngayon ay mahirap pa raw matukoy kung ang nasabing package ay sapat para tugunan ang krisis na dulot ng coronavirus pandemic.

Hindi na rin umano nagtataka ang ADB kung malaki ang nagastos ng Pilipinas para sa COVID-19 response dahil halos lahat naman ng ekonomiya ay naranasan ito, subalit ang mayayamang bansa ay kinaya na maglabas ng mas malaking halaga ng pera kumpara sa iba pang mga bansa.

Sa buong mundo, ang kabuuang halaga ng health at income support mula sa gobyerno sa kabila ng pandemic ay aabot ng 10.4% GDP, mas mataas ito sa 2% na nagamit sa naranasang financial crisis noong 2007-2008.

“The idea of austerity has sharply reversed from the policy response to the previous crisis only 12 years ago. Fiscal demand management was already gaining popularity, but the pandemic has thrown remaining budgetary caution to the wind — governments have spent vast sums to manage the current crisis and promote recovery,”saad pa sa ulat.

“The government-imposed lockdowns were a severe shock to supply chains. In that respect, government efforts to support businesses and households in maintaining their pre-pandemic financial positions during the lockdowns in what they hoped would be temporary layoffs were by far the best targets for macroeconomic policy responses to the pandemic,” dagdag nito.

Batay pa sa pagtataya ng ADB, pumalo na ng P1 trillion ang ginastos ng bansa para sa pandemic, katumbas umano ito ng 8.24% ng GDP.

Sa kabila naman ng kaliwa’t kanang panawagan para sa ikatlong stimulus package upang tulungan ang tuluyang pag-recover ng ekonomiya ng Pilipinas, sinabi ni Economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na dapat munang gawing prayoridad ng pamahalaan ang paggamit ng pondo mula sa mga nakaraan at kasalukuyang budgets, gayundin sa natitirang halaga mula sa ikalawang stimulus package nang sa gayon ay maipatupad ang relief measures.