Nasa proseso na ng pagbalangkas ng guidelines ang Pilipinas para sa joint maritime patrols sa West Philippine Sea sa gitna ng umiigting na agresibong aksiyon ng China ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Una ng sinabi ng defense officials ng Pilipinas na nakikipag-usap na ang bansa sa Amerika at Australia para sa posibleng joint patrols sa WPS.
Hindi naman na nagbigay ng karagdagan pang detalye ang DFA sa mga bansa na kabilang at ang lokasyon para sa pinaplanong joint maritime patrols.
Matatandaan noong nakalipas na buwan lamang nang bumisita sa bansa si Australian Defense Minister Richard Marles nang ianunsiyo nito ang posibilidad ng joint patrols kasama ang Pilipinas.
Maliban kasi sa US, tanging ang Australia ang mayroong existing defense pact sa Pilipinas na nagpapahintulot sa joint military exercises sa bansa.