Inamin ni Health Sec. Francisco Duque III na kasalukuyan nang nasa second wave ng COVID-19 transmission ang Pilipinas.
Sa pagharap ni Duque sa public hearing ng Senate Committee of the Whole nitong araw, sinabi ng kalihim na kasalukuyang naghahanda ang pamahalaan sa posibilidad ng susunod na pagtaas ng mga kaso ng sakit.
Itinuring daw kasi ng unang wave ng transmission ang mga naitalang kaso ng foreign nationals noong Enero.
“‘Yung first wave nag-umpisa, batay po sa ating mga batikang epidemiologist, na ang first wave natin happened sometime in January, noong nagkaroon po tayo ng tatlong kaso ng mga Chinese nationals from Wuhan,” ani Duque.
Maliit na wave daw ito kung titingnan, pero hindi naman daw papabayaan ng gobyerno na tuluyang tumaas ang kasalukuyang second wave ng transmission.
Sa huling datos ng Department of Health, pumalo na sa 12,942 ang total na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Una nang sinabi ng DOH at ilang eksperto na may senyales na ang curve flattening o pagbagal sa dami ng mga kaso.
Ito’y bunsod daw ng mas mabagal ding doubling time o pagitan ng mga araw bago muling lomobo ang bilang ng mga bagong kaso at namamatay.