Negatibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) si Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, matapos sumailalim sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) swab test nitong July 14.
Nag self-quarantine si Bacordo matapos dumalo sa commissioning ceremony ng BRP Jose Rizal (FF150) sa Subic kung saan isa sa mga Navy officers na dumalo sa event ang nagpositibo sa COVID-19.
Bukod kay Bacordo, negatibo rin ang ibang officers na dumalo sa seremonya na sina:
Navy Vice Commander Rear Admiral Rey dela Cruz
Philippine Fleet Commander Rear Admiral Loumer Bernabe
at Offshore Combat Force Commander Commodore Karl Decapia
Sa kabilang dako, dalawang crew members ng BRP Jose Rizal ang nagpositibo sa COVID-19 matapos ang commissioning ceremony at kasalukuyang nasa quarantine facility ashore.
Samantala, naghahanda na rin ang Philippine Navy para pag-alis ng BRP Jose Rizal sa July 29 para makiisa sa Rim of the Pacific (RIMPAC) 2020 maritime exercise sa Hawaii.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lt. Commander Maria Christina Roxas, ang mga personnel na lalahok sa RIMPAC bukod pa sa crew ng BRP Jose Rizal ay sasailalim sa RT-PCR testing ngayong araw ng Linggo sa Philippine Arena.
Sinabi ni Roxas na ginagawa ng Philippine Navy ang lahat para matiyak na “in-placed” ang mga ipinatutupad na health and safety protocols para matiyak na magpapatuloy ang pagtupad ng kanilang mandato sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic.